Sa second press conference ng When I Met U ng Regal Entertainment at GMA Films last Monday, January 26, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang GMA Films executive na si Joey Abacan. Tinanong namin siya sa mga susunod na projects ng GMA Films para sa taong ito pagkatapos ng Valentine offering nila starring Richard Gutierrez and KC Concepcion.
"Maraming plano, pero isusunod na ang Sundo," sabi ni Joey, tinutukoy ang horror movie na pinagbibidahan nina Robin Padilla, Sunshine Dizon, Katrina Halili, at Rhian Ramos.
Malamang na bago mag-Holy Week ipalalabas ang Sundo. Talagang nagtagal daw sila sa post-production ng unang full-length horror movie ni Robin dahil sa special effects nito.
Naitanong din namin ang Angelina, ang movie version ng character nina Ogie Alcasid at Michael V sa Bubble Gang. Ngunit sa APT Entertainment daw ito at malamang na mag-co-produce lang ang GMA Films o di kaya ay mag-media partner.
Nabanggit din ang unang pelikula ni Marian Rivera this year, pero hindi pa puwedeng masabi ang pangalan ng magiging partner niya.
Dumako ang usapan sa nabalitang Andres Bonifacio biopic, na balitang pagbibidahan ni Dennis Trillo at magpapabalik sa GMA-7 sa taunang Metro Manila Film Festival (MMFF) tuwing Kapaskuhan. Pagkatapos ng Mulawin The Movie noong 2005, hindi na muling sumali ang film arm ng Kapuso network sa MMFF bagama't nag-media partner ito sa Regal para sa magkasunod na Desperadas at Desperadas 2.
May nakapagsulat na sasali ngayong taon sa MMFF ang GMA Films sa pamamagitan ng Bonifacio.
"Ha? May nabasa nga ako pero walang ganoon," paglilinaw ni Joey. "Pero baka sumali nga kami sa MMFF 2009, makikipag co-produce kay Bong [Revilla Jr.] sa Panday niya."
Sa thanksgiving party para sa entertainment press ng pamilya Revilla kagabi, January 27, sa Annabel's restaurant, ay ipinalabas ang isang teaser na sinimulan pagkatapos ng opening speech ni Senator Bong, kung saan binanggit niya na may bago nga siyang pelikula.
Mga logo ng GMA Films at Imus Production ang teaser movie, kung saan isang meteor ang bumubulusok mula sa kalawakan. Sa malaking tipak na bato, lalabas ang isang mahabang espada at sa lupa, makukuha ito ni Bong Revilla saka ilalabas ang buong titulo ng pelikula—Carlo J. Caparas' Panday.
Kinausap agad ng PEP ang aktor tungkol sa Panday. Ang alam niya, baka November daw ito ipalabas. Pero depende rin daw kung makakapasok ito sa screening committee ng MMFF 2009. Wala pa ring napipiling leading lady si Bong na gaganap ng original Flavio. (Sa Dugo ng Panday ni Bong noong 1993, kapangalang apo lang siya ng original na Panday na ginampanan ni Fernando Poe Jr.).
Sina Rico Gutierrez at Mac Alejandre daw ang magdidirek ng Panday mula sa panulat ni RJ Nuevas.
May apat na installment ang original na Panday series ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino: Ang Panday (1981), Ang Pagbabalik ng Panday (1982), Panday: Ikatlong Yugto (1983), at Panday: Ika-apat Na Aklat (1984).
Noong 1993, ini-spoof ito ni Joey de Leon sa Pandoy, Ang Alalay ni Panday.
Taong 1993 din nang ibinalik ang Panday series sa Dugo ng Panday nga ni Bong ngunit descendant lang ng original character ang ginampanan niya kahit Flavio pa rin ang pangalan nito. Noong 1998 naman, si Jinggoy Estrada ang nag-Panday sa Hiwaga ng Panday, kung saan ang character niyang si Guiller ang nakakuha ng espada ni Flavio.
Sa primetime soap ng ABS-CBN na Panday noong 2005, hindi rin si Flavio ang ginampanan ni Jericho Rosales sa title role kundi isa pa sa mga nakakuha ng espada, si Tristan.
No comments:
Post a Comment