Sa nakaraang thanksgiving party ni Bong Revilla para sa entertainment press ay nabanggit niya na pinanghihinayangan niya na hindi natuloy ang pelikulang pagtatambalan sana nila ni Toni sa Star Cinema.
Ayon sa actor-politician ay matagal na niyang gustong makasama sa isang proyekto si Toni, pero dala ng kanyang hectic schedule ay hindi ito magkakaroon ng katuparan sa ngayon.
Aminado si Toni na kahit siya ay nakaramdam ng panghihinayang sa nangyari. Pero positibo siya na matutuloy rin ito sa tamang panahon.
"Sayang nga, kasi siyempre Senator Bong Revilla yun. Kasi, lahat naman yata gustong makatrabaho ang mga beteranong artista. Nagkaproblema yata sa schedule ni Senator Bong kasi may gagawin yata siyang isang movie [Panday], nagka-conflict, hindi kakayanin. Pero may right timing naman ang lahat, siguro sa ibang pagkakataon."
Ayon kay Toni, napanood na niya ang ilan sa mga pelikulang pinagbidahan ni Bong with his respective leading ladies at nagustuhan naman niya ang mga ito.
"Napanood ko na sa Cinema One yung mga movies niya, mga action, yung movie nila ni Judy Ann [Santos], Sharon [Cuneta], kay Ms. Maricel [Soriano]... Actually, maganda yung movie nila ni Ms. Maricel, yung away-bati sila nang away-bati. Nagandahan ako dun.
"Yung sa amin, darating din yung time. Hindi naman ako nagmamadali, lahat naman nasa perfect timing lang. Hindi kailangang pilitin o madaliin," saad ni Toni.
Ikinuwento rin ni Toni sa PEP ang experience niya nang humingi siya ng tulong noon kay Senator Bong noong kagawad pa ang TV host-actress sa kanilang lugar sa Antipolo.
"Siguro mga two to three years ago pa yun, kalilipat ko lang sa ABS. Lumapit ako sa kanya before, pumunta ako sa office niya, sa Senate. Humingi ako ng dental chairs para sa mga kabarangay ko nga, and he was very approachable and accommodating. I think he was able to help kasi, siyempre, pagkatapos ko siyang kontakin, yung mga taga-barangay na yung kumontak sa kanya. Kumbaga, ako yung ginawang koneksiyon," lahad ni Toni.