Bago ang thanksgiving party ni Senator Bong Revilla para sa entertainment press kagabi, January 27, sa Annabel's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, ipinakita muna ang teaser ng pelikulang gagawin ng actor-politician this year under GMA Films, Panday.
Balitang December pa ito ipalalabas, pero unang buwan pa lang ng taon ay nakikiusap na si Bong na suportahan daw sana ang napakalaking project niyang ito.
KAP'S AMAZING STORIES. Masaya naman si Bong dahil sa walang-sawang suporta ng mga tao sa kanyang show sa GMA-7 na Kap's Amazing Stories. Laging mataas ang rating nito.
"Nagpapasalamat ako sa walang-sawang sumusuporta sa Kap's. Sa mga tagahanga ko na tumatangkilik hanggang ngayon, hindi ako pinapabayaan. Maraming-maraming salamat po kasi ang Kap's ay talagang napakaganda ng rating," saad ni Bong sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press.
Maging ang ilang eskuwelahan daw sa bansa ay nire-require na panoorin ng mga estudyante ang kanyang show dahil sa maraming impormasyon na puwedeng malaman dito.
"Actually, since magsimula yung Kap's Amazing Stories, nire-require ng mga school yung mga estudyante na pag-aralan. Then, tina-tackle kung ano ang napanood nila. So, napakaganda. At least, very educational. So, it's infotainment, e. Kaya on my part, nakakatuwa, nakakalaki ng puso. At least, nare-recognize nila ang nagagawa natin para sa kabataan."
PANDAY. Ayon kay Bong, by mid-March daw nila sisimulan ang shooting ng Panday para mas mahaba ang maging time for the special effects and post-production. Excited siya sa project dahil medyo matagal na raw nang huli niyang gawin ang Panday at bata pa raw siya noon.
"Kaya pa naman nating tumalun-talon at lumipad-lipad!" natatawa niyang sabi. "Actually, nag-eensayo ako ngayon. Nag-eensayo ulit akong humawak ng sword. Pati yung mga stunts, nag-start na rin tayo. Siyempre, hindi tayo bumabata kaya kailangan nating magbanat ng buto."
Nang tanungin kung sino ang magiging leading lady niya sa Panday, secret muna raw ito at abangan na lang.
POLITICAL PLANS. Napangiti si Senator Bong nang kamustahin namin ang napapabalitang pagtakbo niya bilang presidente ng Pilipinas sa 2010.
"Well, regarding that, masyado pang matagal. Ayokong isipin ‘yan. Una kong narinig ‘yan, nanlamig ang talampakan ko at nanginig ang tuhod ko!" natatawa niyang sabi.
Patuloy niya, "Alam ko, I'm still young, mahaba ang tatahakin natin. At hindi naman ako nagmamadali. But I do believe in destiny. If you're really destined to be the next president, wala kang magagawa run. Kahit ayaw mo, itutulak ka, e.
"Ang point ko lang, basta gagawin ko kung ano ang tama. Tutulong ako para sa bayan at gagawin ko lahat ng magagawa ko. Anyway, regarding that, ang partido ang magdedesisyon diyan. Mahaba pang proseso ‘yan, although niluluto na nila yung pangalan ko. To be recognized on the party is already a victory on my part. Malaki nang bagay yun."
Ano ang pakiramdam na mismong ang partido niya ang nagsasabing siya ang gusto nilang tumakbo for president?
"Nakakalaki nga ng puso," sagot ng senador. "Sabi ko nga, to be recognized by the party is already a victory on my part. Para na rin akong nanalo noon."
Pero handa na ba siyang tumakbo at kung sakali ay maupo bilang presidente?
"Siguro naman, kung ang pagbabasehan ay ang track record, naging bise gobernador na rin ako, naging governor, tapos ngayon ay senator. But, as I've said, bata pa naman ako. Hindi tayo nagmamadali. Hintayin na lang natin ang tamang panahon and I just leave my fate to God. Leave my fate to Him kung anuman ang magiging kapalaran natin," saad niya.
Kung sakali, makakaya kaya niyang iwan ang showbiz?
"Siyempre, ang showbiz, palaging ano ko ‘yan, e, hindi ko puwedeng talikuran. Mahal ko ang industriya. Diyan ako galing. Sabi nga nila, di ba, ang taong hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan?"
Nasa plano na ba talaga niya ang tumakbo bilang presidente ng bansa?
"Hindi ko pinangarap, e," sagot ni Bong. "Hindi ko rin pinangarap maging senator, maging governor, di ba? So, pero kapag may calling, hindi natin alam kung ano ang mangyayari."
Kailan malalaman kung tatakbo nga siyang presidente?
"We don't know... Maybe mid this year, alam na natin kung sino ang nasa frontline. Although, definitely, I'm running for 2010—hindi ko lang alam kung anong position. Pero, siyempre, kung sinuman ang mauupo, alam nating hindi birong responsibilidad ‘yan."
Sa puso niya ngayon, lamang ba ang pagtakbo niya sa pinakamataas na posisyon sa bansa?
"Ang nasa puso ko ngayon yung pagtulong sa tao, e," sabi niya. "So, kung anuman ang responsibilidad na iatang sa akin, kung sa tingin ng Panginoon, ito ang gampanan mong role, di ba? Hindi lang sa pelikula kundi gawin mo sa totoong buhay. I'll do it if I have too."
PHILLIP'S CASE. Just recently, may lumabas na balita na nadesisyunan na raw ng Court of Appeals ang kasong isinampa ng businesswoman na si Cristina Decena sa kaibigan ni Bong na si Phillip Salvador.
Ayon kasi sa lumabas na report sa isang tabloid, kinatigan daw ng Office of the Solicitor General ang naunang desisyon ng Las Piñas Regional Trial Court sa kasong estafa na isinampa ni Cristina kay Phillip. Napatunayan daw na "guilty" si Phillip at hinatulang makulong ng anim hanggang 12 taon.
Pero napag-alaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na hindi pa ito ang desisyon talaga ng Court of Appeals kundi isang brief for appellee pa lamang from the Office of the Solicitor General. Kaya maaari pang umapela si Phillip sa Supreme Court.
Pero ano ba ang masasabi ni Bong tungkol sa kaso ng kanyang kaibigan?
"Well, alam n'yo, yung sa aming magkakaibigan, yung ganoon, siyempre laban niya yun. Hindi naman siya nag-aano sa amin na, ‘Tulungan n'yo ako.' Ang katwiran niya kasi diyan, ‘Kaya ko ‘to dahil alam ko wala akong kasalanan,'" sabi ni Bong.
Anong support ang naibibigay nila kay Ipe?
"Moral support lang ang maibibigay namin sa kanya. Nandiyan na sa korte, e. Basta, naniniwala ako na hindi siya pababayaan ng Panginoon at maaabsuwelto pa rin siya. Kilala ko ang kaibigan ko, napakabait na tao ni Phillip. Napakabait na kaibigan nun."
May mga nagsasabi na posibleng maimpluwensiyahan ang desisyon ng korte dahil sa pagiging malapit ni Phillip kina Bong at Jinggoy Estrada, na kapwa senador. Kaya merong nag-iisip na kung may kaso man ito, posibleng makalusot din daw ito sa tulong nila.
Pero ayon kay Senator Bong, "Kung talagang ginagamit namin ang puwersa namin, sana umpisa pa lang hindi siya nasentensiyahan. That is so unfair, di ba?"